Kumusta na kaya sina ama? Mahigit sampung taon na akong nasa kalye, namamalimos at natutulog sa malamig na kalsada ng Maynila. Kumakain ng tira ita ng ibang tao, mahirap ang buhay ko ngayon. Mas mahirap pa sa daga. Para akong basahan, daig ko pa ang sisiw na basa. Siguro marahil ito ang karma na tinatawag nila. Andito ako nakaupo sa Roxas Boulevard, nakatingin sa paglubog ng araw. Parang sinasabing oras na para umuwi ka. Malamig na ang smoy ng hangin, ilang araw na lang pasko na naman. Naalala ko ang lutong biko ni ina, ang malagkit at matamis na biko. Ang pansit at ang lechon . Naririnig ko na ang mga kanta ng bata sa harap ng bahay naming. Naiiyak ako, isa akong suwail na anak.
Di ako napigilan ni ama ng ako’y magpasya na ako’y aalis, hahanapin ang kapalaran sa malayo. Naiiyak si ama ng sabihin sa akin kung napapagod na ako sa pag aalaga sa aking inang may sakit, walang imik akong umalis dala lahat ng gamit ko. Lumingon ako sa huling sandal sa aking ama, umiiyak at tangan ang aking ina sa kanyang balikat. Masakit sa loob nila na ako’y umalis. Nagtapos ako bilang nars at inalagaan ang iba subalit di ko magawa sa sarili kong ina.
Niloko ako ng isang kakilala na ipapasok ako sa ibang bansa bilang nars. Ubos lahat ng pera ko. Benenta lahat ng gamit para may makain hanggang sa naubos lahat ito. Pumasok sa iba’t ibang trabaho pero hindi rin nagtagal. May umaruga sakin na matandang babae subalit di ko masikmura lahat ng pinapagawa nya sa akin. Lumayas ako, ninakaw ko ang ilang alahas nya subalit nahuli din ako at nakulong. Ginulpi sa loob ng bilangguan. Tumakas. Naging palaboy.
Nakaupo ako dito hawak ang huling perang matagal ko ng pinag ipunan. Pinagmamasdan ang paglubog ng araw. Nakita ko ang unang bituin sa langit, naalala ko ang batang isinilang sa sabsaban. Papatawarin kaya akko ng aking mga magulang? Tatanggapin pa kaya nila ako? Bukas pasko na. Naiiyak ako di dahil sa naalala ko ang pasko na masaya kundi sa kadahilanang mahina ako. Naiiyak ako dahil sa mga kasalanan ko. Andito na rin naman ako sa Roxas Boulevard, makapaligo nga muna.
Nakatayo ako sa harap ng bahay namin. Nakatingin sa mga sumasayaw na ilaw ng Christmas light, sa parol na gawa ni ama. Naririnig ko ang mga halakhakan sa loob ng bahay. Dinig ko ang malakas na tawa ni ama. Amoy na amoy ko ang bango ng biko ni ina. Tumalikod ako, di ko kayang pumasok. Nahihiya pa din ako sa mga ginawa ko. Humakbang na ako palayo ng may narinig akong nagsalita sa may bintana. Ang aking ama, kilala nya pa din ako kahit nakatalikod ako at din a kaaya aya ang aking itsura. Bumaba sya at niyakap ako. Isang mahigpit na yakap na sa loob ng mahabang panahon ngayon ko lang muling naramdaman. Mainit at puno ng pagmamahal. Naramdaman ko ang patak ng luha ni ama, kasabay ng pag agos ng luha ko. Humingi ako ng tawad, isa lang ang nasabi ni ama, tahan na. Tumingala ako, andoon lahat sila sa may bintana. Masaya sa aking pagbabalik.