Disyembre 2010
Hinabol ko ang huling byahe patungong Legazpi. Akyat, hanap ng mauupuan. Sa wakas sa may bintana. Malamig sa bus pero mainit ang aking pakiramdam, hindi ko alam kung bakit. Siguro excited lang akong maka uwi. Dinaanan at sinulyapan ang mga gusali at nag gagandahan ilaw ng Maynila sa huling pagkakataon. Bukas iba na ang simoy ng hangin, sariwa at malamig. Makikita ko na ang ganda ng Mayon, ang tinig ng mga ibong malayang lumilipad at ang gintong palay na sumasayaw sa mahamog na umaga. Bukas…….
Tulog na ang lahat, gising pa ako’t nakatingin sa labas. Hindi ko masisisd ang lalim ng diwa ko na lumalakbay sa kailaliman ng aking isipan. Nag iisip. Hinuhukay ang nakaraan. Pinipilit. Bitibit ang maleta ng nakaraan na sa tuwing uuwi ay hindi ko maiwan. Maraming laman, napakabigat. Nakakapagod. Kilala pa kaya niya ako? Naghihintay ba siya o tuluyang iniwan na ako at kinalimutan? Kumusta na kaya siya? Parang may pagsusulit sa aking kalooban, kailangang balikan ang nakaraan. Isa isa. Bawat sulok kailangang tignan, suriin hanggang sa walang makalimutan. Tulog na ang lahat, gising pa ako.
Muling tumapak ang aking mga paa sa lupang aking pinagmulan. Amoy ko ang dahong tuyo na unti unti kinakain ng apoy. Dinig ko na ang tilaok ng tandang ng kapitbahay. Mabigat ang maleta ng nakaraan. Muling bumabalik ang lahat, parang isang bangungot. Natatawa ako. Ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa aking mukha lalong nagpapabigat sa aking dala. Binaba ko ang maleta, pagod pa din ako sa pag bubuhat.
Nakatingin ako sa harap ng bahay namin. Nakatulala. Tinitignan bawat sulok. Walang nagbago. Walang pinagbago. Kakatok ba ako o hihintay na magbukas ang pinto at yayain akong pumasok. Bumukas ang pinto, nandoon si ina at tinawag ako. Pumasok ako bitbit ang maleta ng nakaraan, binuksan. Humingi ng tawad. Umiyak. Humagulgol na parang bata. Tahimik ang paligid. Inanod at nalinis na ng mga butil ng luha ang laman ng maleta. Magaan na. Kaya ko na. Umulan. Dinala ng agos ang lahat. Kahit umuulan tuloy ang araw ng pasasalamat.
No comments:
Post a Comment