Lamay ni Lolo, 2006
Hindi ko maihakbang ang aking paa papasok sa tahanan ng aking lolo, parang may bolang bakal na nakakabit na hila hila ko. Nasa loob na lahat ng mga kamag anak ko. Kita ko na ang mga ilaw sa tabi ng ataul ni lolo, ang mga alay na bulaklak sa dating makisig at palangiting lolo ko. Hakbang. Hakbang. Nakita ako ng aking lola at agad pinapasok. Pinagmasdan ko ang mukha ng aking lolo, gandang lalaki pa din. Parang natutulog lang.
Andoon lahat ng mga kamag anak ko, mula sa tiyuhin, tiyahin, pinsan, pamangkin, ina, ama, kapatid at kapatid sa labas. Kapatid sa labas???? Oo, may kapatid ako sa labas. Marami kami. Tatlo? Apat? Walo? Siguro. Hindi ko mabilang at ayaw ko na ring bilangin. Nagbihis ako pagod sa byahe, nagpahinga. Sindi ng sigarilyo naghahanap ng makaka usap. Aaminin ko galit ako sa mga kapatid ko sa labas, ewan ko kung bakit siguro na-iingit ako dahil nasa kanila ang atensyon ng aking ama. Sa kanila binuhos lahat ng oras na dapat para sa amin. Maraming kaarawan na di ko nakasama ang aking ama. Nagtapos ako na pag-aaral di man lang siya ang nagsabit sa akin ng medalya.
Nakatulog ako, marahil sa sobrang pagod. Nagising ako sa ingay sa labas ng kuwarto ko. Andoon na ang aking ama kasama ang bago niyang asawa at mga anak. Tanggap na din ng pamilya ang relasyon nila kahit noon pa nangyari yun. Bata pa ako ng maghiwalay sila ng mama ko. Walang muwang bakit wala akong ama sa tabi ng aking pagtulog. Walang amang kalaro. Walang nagtuturo sa mga takdang aralin. Lumabas ako, wala na si ama nasa taas nakikipag inuman sa mga kaibigan nya. Umakyat ako para kumuha ng damit. Tinawag ako ng aking ama, ewan ko kung bakit. Binigay sakin ang unang tagay sa unang alak na binuksan nya. Umupo ako. Ipinakilala ako ng aking ama sa mga kaibigan nya. Eto ang panganay ko. Nagulat lahat sila, maging ako. “Proud ako sa anak ko, kahit wala ako sa tabi nya sa kanyang paglaki ay naging mabuting tao sa kanyang kapwa. Hindi naging pasaway sa kanyang ina.” Masaya ang pakiramdam ko, kahit paano alam ko na ang nasa saloobin ni ama. Tinawag nya ang mga kapatid ko sa pangalawa nyang asawa at pinakilala ang bawat isa.
Kinausap ko ang mga kapatid ko ng sarilinan. Di ko kasalanan o kasalanan mo na maging mag kaiba ang ating ina. Ang mahalaga mag kapatid tayo at tanggap natin ang isa’t isa.
Lamay ang pinuntahan ko, okasyon na pighati ang dulot, pero para sa akin masaya ang araw na iyon.
No comments:
Post a Comment